Tag Archives: GMA

The Maguindanao Massacre

 

View full article

Photo from Laurie Lipton.

2 mga puna

Filed under kalorkihan

A Chiz-y Presidentiable No More

The clock is ticking, it is only seven months before The Big Turn Over. And the road to the presidential elections is littered with candidates who have fallen before the race even began.

The clock is ticking, it is only seven months before The Big Turn Over. And the road to the presidential elections is littered with candidates who have fallen before the race even began.

Months before the official filing of the certificate of candidacy, presidential aspirant Ping Lacson, stepped aside as old issues with the deposed president Estrada now-presidentiable again hounded him more rabidly.

Veep Noli de Castro also succumbed a few weeks after Ping. With the political situation very volatile, candidates switching parties faster than a speeding bullet, and an endorsement from the incumbent president Gloria Macapagal-Arroyo, De Castro was treading the political path very slowly, making sure that no misstep ends up blowing him to bits. However, he moved ve-e-ery slowly and missed the presidential train.

Today, a popular candidate once made the death bell toll. It is Chiz Escudero.

Read the Full Article.

Mag-iwan ng puna

Filed under kalorkihan

ERAP: PARE o PERA

Isa ako sa mga kabataang estudyante na lumiban sa mga klase ko noong kasagsagan ng kampanya sa pagpapatalsik kay Erap noong 2001. Hinding-hindi ko makakalimutan ang karanasang iyon dahil isa iyon sa panahong buhay na buhay ang bawat himaymay ng katawan ko. Panahon din iyon ng pagsisinungaling sa magulang (dahil hindi daw maganda maging isang aktibista), pagkukumahog sa mga leksyon na hindi ko nakuha sa klase (dahil absent nga ako), pakikipag”diskusyon” sa mga “napapalayong” kaibigan (dahil iba na daw ako), pagbata sa mga tingin at ngiti ng awa mula sa kapwa ko estudyante (dahil hindi pa patok ang pagpapatalsik). Pero naging mabunga ang lahat ng pagsisikap at malawak na sambayanan ang kumilos para patalsikin si erap. Pumanig sa ordinaryong mamamayan ang mga nakakariwasa, taong-simbahan at maging ang militar. Pero ngayon, tulad ng isang laos na artista, naghahangad si Erap ng isang comeback, isang pagbabalik sa bagong pinilakang-tabing, sa pulitika.

PARE

Nakilala si Erap bilang bida sa pelikula. Ang sanggano na may mabuting puso. Ang Robinhood ng pelikulang Pilipino. Mukhang lubusang naisapuso ni Erap ang papel na ito hanggang sa kasalukuyang panahon. Sa sikolohiya, tinawag itong messianic complex. Ito ay ang malalim na paniniwalang tagapagtanggol ka ng inaapi at ikaw ang kasagutan sa lahat ng problema. Isa marahil si Erap sa mayroon nito. Marami siyang programa noon para sa masa, ERAP para sa MAHIRAP ang islogan niya. Nariyan ang pabahay niya sa Rizal (sa tabing ilog at gakahon ng posporong mga bahay), ang pagsupil sa rebelyon para umusad ang ekonomya (sa pamamagitan ng todong gera sa Mindanao), ang pagtangkilik sa libangan ng masa (sa jueteng na malaki ang kinikita niya) at kung ano-ano pa. Sinasabi niya noon na nariyan siya para pagkaisahin at pagbuklurin ang oposisyon sa paglaban nito kay GMA. Pero bakit ang paraan niya ay ang pambabraso sa ibang nagpahayag ng pagtakbo sa pagkapangulo para magbigay-daan sa kanyang pagkapangulo? Kaya, sa esensya, hindi siya isang tagapagtanggol kundi isang panggulo.

PERA

Hindi niya pinagkaisa ang oposisyon, bagkus lalo niya itong hinati. Napakadaling pumostura ngayon laban kay GMA dahil marami na ang galit sa kanya, pero naroon ba ang sinseridad ng mga salita ni Erap? Naisip ko, isa talaga sa matingkad na pagkakaiba nila ni GMA, bagamat parehong halang ang kaluluwa, ay ang takbo ng isip. Kung tutuusin, mas matindi ang mga pinagagagawa ni GMA ngayon kaysa noong mga panahon ni Erap, pero bakit nakaupo pa rin siya hanggang ngayon? Si Erap kasi puro pagpapamacho, puro kabruskuhan, samantalang si GMA, dinadagdagan ito ng katusuhan (at sandamakmak na panunuhol). Sa magkanong dahilan siya nagpasya nito? Noong una, maingay na maingay itong si Lacson sa pagdadawit kay Erap sa Dacer-Corbito case, pero ngayon, hindi na ito gaanong maugong. Anong nangyari? Matatandaan natin na binigyan ni GMA ng pardon si ERAP kahit nahatulan na ito ng Korte Suprema sa mga kaso na isinampa sa kanya ng mamamayan noong 2001. Baka naman palabas lang ang lahat ng ito para HINDI TALAGA makonsolida ang oposisyon, kung saan gumaganap ng mahalagang papel si ERAP bilang pagtanaw sa utang na loob sa nagpatawad sa kanya? Ngayon, sinasabi ni Erap na muli siyang tatakbo sa pagkapangulo dahil ayaw na ng mamamayan kay GMA. Bakit siya tatakbo samantalang una na siyang inayawan ng mamamayan noong 2001 pa sa kabila ng postura makamasa at pare ng madla?

Mag-iwan ng puna

Filed under kalorkihan

Mga Pekeng Natural na mga Sakuna

Una sa lahat, nakikiramay ako sa mga namatayan dahil sa bagyong Ondoy. Nakikisimpatya rin ako sa lahat ng pamilyang, tulad namin, ay sinalanta ng bahang rumagasa sa Kalakhang Maynila.

Isa si Ondoy sa mga bagyo na inukit ang kanilang mga pangalan sa kasaysayan bilang lubhang mapaminsalang mga bagyo. Kabilang na siya sa hanay nina Yoling, Dading, Rosing, Winnie, Milenyo at iba pa na naghasik ng malawakang pagkasira ng pananim, ari-arian at buhay. Muli, ipinakita ng kalikasan kung sino ang nananatiling mas makapangyarihan sa kabila ng lahat ng pag-unlad sa teknolohiya.

Maraming kwento-kwento. Maraming haka-haka. Maraming tanong. Higit sa lahat, maraming daliring nagtuturuan dahil sa laki ng pinsalang inabot ng halos buong Luzon. Kesyo sobrang dami daw nitong ulan na iniluha, katumbas ng isang buwang ulan ang bumuhos sa loob lamang ng siyam na oras. Ang sabi ng iba, talagang ganyan, Climate Change ang tawag diyan. Ang sabi ko naman, siguro, pero isang panig lang iyan.

Oo, papayag akong dulot ito ng Climate Change sa isang banda dahil napatunayan naman na ng syensya ang tuluy-tuloy na pag-init ng mundo at unti-unting pagkatunaw ng naglalakihang yelo sa pinakamalalamig na rehiyon dito. Global Warming, ika nga. Ito ang sanhi ng mga dramatiko at nakakabiglang mga pagbabago sa klima at panahon, sa tindi ng mga tag-init at mga tag-ulan.

Pero sino ba ang salarin nitong Global Warming? Hindi ba’t pangunahing sanhi nito ang maruming usok mula sa naglalakihang pabrika, napakaraming sasakyan mula sa industriyalisadong mga bayan? Ang walang habas na pandarambong sa enerhiya ng mundo para masustine ang kanilang antas ng pamumuhay na maluho at tapon-agad (disposable). Hindi naman sa wala tayong kontribusyon sa polusyon ng mundo, syempre meron, hindi naman tayo nabubuhay sa sinaunang panahon na krudo lahat ng gamit at hindi gaanong maaksya sa mga likas na rekurso. Pero, ang kontribusyon natin ay di hamak na mas maliit kaysa mga ibinubuga ng mga dambuhalang pabrika ng kung anu-anong bagay na hindi naman kailangang-kailangan lahat. May pananagutan tayo, pero higit ang pananagutan nila.

Dumaluyong rin ang hindi kapanipaniwalang laki ng baha. Bukod sa Global Warming at Climate Changem isinisisi ito ng marami sa mga illegal loggers na kumalbo daw sa Sierra Madre na nasa gilid-gilid lang ng Metro Manila. Pero mukhang legal logging naman ang may kasalanan doon. Isipin niyo nga, gaano ba kalawak, ilang ektarya ba ang inaabot ng isang grupo ng illegal loggers na limitado ang kagamitan sa isang chainsaw siguro o kaya’y mano-manong lagari at isang kalabaw na panghila? Ikumpara niyo iyan sa libu-libo, ekta-ektaryang konsesyon na ibinibigay ng gubyerno sa malalaking kumpanya ng pagtotroso, na kadalasa’y pinopondohan ng dayuhan, na mayroong daang tauhan, malalaking lagari, mga trak na panghakot at kung minsa’y saw mill sa loob mismo ng gubat, malapit sa ilog para sa mas mabilis na ‘pagpoproseso ng mga kahoy’? Sino ngayon ang mas mabilis mangalbo ng gubat at magpatumba ng malalaking kahoy na sumisipsip ng tubig ulan at mahigpit na humahawak sa mga lupa, ang mano-manong mga illegal loggers o ang demakinang mga legal loggers?

Laman pa rin ng balita ngayon ang Provident Village at ang bandang Montalban, Rizal dahil lubog pa rin sila sa tubig. Ayon sa mga tao, sadyang mababa ang lugar ng Provident Village, sa katunayan, mas mababa ito sa lebel ng dagat, kung kaya talagang binabaha ito. Naalala ko tuloy ang Cherry Hills sa Antipolo na gumuho naman dahil malambot pala ang lupa doon at hindi dapt tinayuan ng malalaking istruktura dahil sa posibiladad na gumuho ito. Bakit ba nagkaroon ng mga lugar na residensyal sa ganitong mga lugar? Mga lugar na hindi dapat tayuan ng bahay na magsisilbing kanlungan ng mga pamilya dahil ilalagay nito sa panganib. Ang kanlungan ay magiging libingan kalaunan.

Gayundin, may mga lugar naman na nauna nang panirahan ng mga tao at saka pa lamang pinasok ng mga problema. Kilala ang Benguet sa dalas ng landslide dito, sa Itogon, Tuba, Mankayan at iba pa. Pasok kasi ang mga kumpanyang nagmimina dito. Sa madaling sabi, butas-butas ang ilalim ng payapang bundok na ito. Sino ba ang hindi nakabalita sa ilang minerong natubunan noong nakaraang bagyo na ni hindi kasinlakas ni Ondoy? At ang eskwelahan na gumuho sa Mankayan? Hindi natin maaaring sabihin na hagupit ito ng kalikasan bagamat talagang likas na gumuguho ang mga lupa sa matataas na bahagi tulad ng mga bundok. Ito ay dulot ng kasakiman ng mga kumpanyang nagmimina ng mga ginto at kung anu-ano pang mineral kapalit ng kaseguruhan sa buhay ng mga maninirahan dito.

Isa pa, hindi makakalampas sa akin ang mga upisyal ng gubyerno natin, lalo na si Gloria na pangunahing salarin tutal inako na rin niya ang pagiging pangulo.

Ang PAGASA, laging tampulan ng inis ng mga magulang dahil sa huling pag-aanunsyo nito ng mga bilang babala ng bagyo. O kaya’y ang “maling” anunsyo ng Babala ng Bagyo Bilang 3 samantalang ang gaganda ng sikat ng araw at mabangong-mabango ang mga labadang ibinilad. Kawawa din naman kasi talaga itong ahensyang ito dahil tulad ng ibang mga ahensya ng gubyerno, biktima rin ng pambubulsa ng pondo at mababang pagpapahalaga sa usapin ng paglalaan ng badyet. Sa mga intrumentong gamit nito, batayan ng mga signal-signal lakas ng bugso ng hangin, at hindi ang dami ng ulan na taglay nito. Sa tingin ko, ito ang dahilan sa ‘mali-maling’ anunsyo. Hindi ba’t sa bagyo matapos ni Milenyo nung nakaraan, signal #3 sa maynila pero walang kaulan-ulan. Nitong nakaraan, hindi naman sila nagbabala kay Ondoy dahil mahina ang hanging taglay, pero iyun pala, sobrang dami ng tubig-ulan na karga. At ang PAGASA ay hindi eksepsyon sa karaniwang kundi ang mismong talamak na halimbawa ng kapabayaan ng gubyerno.

Higit pa riyan, hindi ba’t patakaran din ng gubyerno ang magpapasok ng dayuhang “mamumuhunan” para daw sumigla ang ekonomya at magkaroon gn trabaho ang mga Pilipino. Hindi ba’t ang mga may-ari ng malalaking kumpanya sa pagmimina at pagtotroso ay pag-aari ng mga dayuhan, o kaya’y “kasosyo” ng mga Pilipino. Tingnan niyo’t pursigido sila sa CHACHA o Charter Change kung saan isa sa mga probisyon na babaguhin nila ay ang tungkol sa pagbabawal sa pag-aari ng mga dayuhan sa lupain ng Pilipinas. Kung matutuloy ito, maiiwan tayong walang kalaban-laban dahil magiging ligal na ang pangangamkam ng mga dayuhan sa Pilipinas. Magiging iskwater na tayo sa sariling bayan. Maging mga permanenteng bakwit dahil sa mga kalamidad na tatama sa atin dahil sa pagkagahaman nila.

Masalimuot ano? Sabagay, wala nang simpleng bagay ngayon sa kabila ng pindot-pindot lang na buhay. Maraming usapin ang mahahalungkat ng trahedyang Ondoy, mula sa mga makakapangyarihang dayuhang bayan at ang papel nila dito sa sarili nating bayan, hanggang sa mga kakulangan (o pagmamalabis sa kurakot )ng gubyerno sa sariling bakuran natin. Sa huling pagsusuri, nakikita natin na ang kapakanan ang marami ang nalagay sa bingit ng kamatayan kapalit ng ganansya ng iilan, sa anyo ng tuwirang kita o sa di tuwirang ‘kaliwaan’ at suhulan, sa pagkasira sa likas na kalikasan ng mundo at ng Pilipinas.

Totoong isang natural na kalamidad ang bagyo tulad ni Ondoy. Pero ang pinasalang dulot ni Ondoy na talagang nagpalubog sa maraming lugar at nanguha ng maraming buhay, na lumuha ito nang todo-todo ay hindi natural na kalamidad kundi bunga na ng maling paraan ng pamumuhay at pamamalakad. Siguro kaya buhos na buhos ang ulan sa loob ng siyam na oras ng pagngingitngit ni Ondoy, nagdadalamhati din siya para sa lahat ng mapipinsala para maipaalala sa atin kung sino ang tunay na may sala at mga dapat papanagutin at singilin.

1 Puna

Filed under kalorkihan

Makasaysayang Saysay

Sinambit ni Fidel Castro sa kanyang paglilitis noong kalagitnaan ng dekada 1950 ang pamosong “Kasaysayan ang magpapawalang-sala sa akin.” Sa pagsasalita niyang ito, kinikilala ni Castro ang papel ng kasaysayan bilang huling tagahatol sa mga naganap na pangyayari. Linawin natin na konsepto ng kasaysayan dito ang ay Marxistang konsepto kung saan tinitingnan ang kasaysayan bilang ang mamamayang lumilikha nito, at kung saan naman ang mamamayang tinutukoy ay “ang napakaraming tao na walang patutunguhan, iyong mga pinangangakuan ng lahat at pinagtataksilan ng lahat; ang mga nagnanais ng mas mahusay, mas marangal at mas makatarungang bansa; higit sa lahat mga tao na para makamit ang mga pagbabagong ito ay handang ibigay ang kahuli-hulihang hininga basta’t naniniwala sila sa isang bagay, tao, at higit sa lahat, sa kanilang mga sarili.”

Nitong nakalipas na mga araw, laman ng balita ang tatlong kababaihan. Una, si Madam President dahil sa kanyang kontrobersyal na SONA. Ikalawa, ang Fil-Am na si Melissa Roxas na nagsiwalat sa pagpapahirap na inabot niya sa kamay nina “Boss” o “Sir”. At ikatlo, si dating pangulong Corazon Aquino na kamamatay lang dahil sa kanser. Iba’t iba ang dahilan ng pagkakalagay nila sa ulo ng mga balita. Iba’t ibang emosyon ang nakakanti ng bawat isa. Ngunit higit sa lahat, babae man silang lahat, iba’t iba naman ang landas na kanilang tinatahak.

Si Melissa Roxas ang Fil-Am na napalagay sa sentro ng kamulatan ng mamamayang Pilipino dahil sa mga kwentong kaniyang isinisiwalat. Isang Pilipinang lumaki na sa US ngunit nagsisikap na balikan ang kanyang mga ugat dito sa Pilipinas, biktima siya ng pandarahas at panunupil sa sariling bayang tinubuan. Ngunit binabaliktad siya ng mga taong may koneksyon o dating bahagi ng militar. NPA daw siya.

Si Corazon Aquino, pumanaw na noong isang araw bunsod ng kanyang kanser. Hindi man niya aktibong hiningi ang pamumuno sa Pilipinas, buong-puso itong ibinigay ng mamamayang Pilipino sa kanya. Tinupad din niya ang pangakong pawawalan ang mga bilanggong pulitikal ng rehimeng Marcos. Instrumento din siya sa isang antas ng pag-unlad ng konstitusyon ng bansa. Siya ang simbolo ng pag-asa at tipunan ng mamamayan noong madidilim na panahon ng diktadurang Marcos. At hanggang sa huli, nananatiling bahagi ng konsensya ng taumbayan. Ngunit di rin maipagkakaila ang bahagi niya sa pagsasamantala sa mga manggagawa at magsasaka sa sariling Hacienda Luisita.

Si Gloria Macapagal-Arroyo naman ay bantog dahil sa katatapos na kontrobersyal na pahayag sa SONA. Sa isang pag-uulit sa kasaysayan ng pagpapatalsik sa di popular sa pangulo, si GMA ang pangunahing nagbenepisyo dito. Hanggang ngayon na isinusuka na ng mamamayan ngunit nakakapagpunyagi pa rin ang kasamaan.

Kapag matanda na tayong lahat, kundi man tuluyan nang pumanaw sa mundo at hinalinhan na ng bagong henerasyon, sa tatlong kababaihang ito, kanino kaya magiging mabait ang kasaysayan at pawawalang-bisa ang maliliit na pagkukulang kapalit ng pagbibigay-pugay sa dakilang sakripisyo? Sa “NPA” ba na binugbog at tinortyur dahil sa kaniyang mga paniniwala? Sa panginoong maylupa ba na simbolo ng pag-asa? O sa pekeng pangulong hindi daw nais maging popular kundi ang simpleng maglingkod lang sa bayan?

Bilang simpleng  gabay siguro sa atin ngayon, alalahanin lamang natin ang ultimong linya sa sarili nating Pambansang Awit…. “ang mamamatay nang dahil sa’yo!”

Mag-iwan ng puna

Filed under kalorkihan