Monthly Archives: Agosto 2009

Balisa

Pagdantay ng likod sa papag na lupa
Dadaluyong ang sanlibo’t isang isipin
Kapalit ng paningin ng mata
Ang pagtalas ng pandama at tainga
Huling pagkakataon na magmasid
At makiramdam sa paligid
Laban sa banta ng biglaang panganib
Mapanlinlang ba ang katahimikan?
May nagtatago bang kakaiba sa kadiliman?
Mabilis na pintig ng puso
Gumagapang na init mula sa mukha
Pababa hanggang sa dulo ng mga daliri
Namamawis na mga kamay
Balisang katinuan sa pagkakahimlay
Kaluskos ng tuyong dahon
Kalam ng sikmurang gutom
Yabag na paroo’t parito
Ugong ng eroplano
Nabaling sanga sa di kalayuan
Pag-ihip ng hanging amihan
Saka ang payapang paghimbing
ng buong kapaligiran
Ngunit tatakbo ang kamay ng orasan
Upang gisingin muli ang nakalimot na isipan

2 mga puna

Filed under kalorkihan

Commonwealth Avenue: Biyaheng Langit

Kapag sinabi nating biyaheng langit ang isang sasakyan, sinasabi nating malapit ito sa aksidente
at maaaring sa langit na ang punta ng lahat imbes na sa sadyang pupuntahan. Maswerte nag kung puro pa-langit ang pasahero ng sasakyan na iyon! haha! Pero, nasubukan niyo na bang maglakbay sa Commnwealth Avenue? Madalas ko itong binabagtas pero hindi ibig sabihin na sanay na ako sa pagbibyahe dito. Dito, hindi lang iisa, kundi napakarami ng sasakyang kunwaring patungo sa EDSA, Cubao, Alabang, Quiapo, atbp, pero sa totoo’y biyaheng langit ang pasada.

Sa lapad na kayang akomodahin ang walong (o sampu pa nga) linya ng sasakyan,mas malapad na ito sa Epifanio Delos Santos Avenue o EDSA. Mayor na daluyan ito ng trapiko ngayon, di tulad noong mga nakaraang dekada na iilan lamang ang sasakyan na dumaraan dito. Sa pag-unlad at paglaki ng populasyon ng Novaliches at Fairview, dumami rin ang sasakyang araw-araw na bumabagtas sa Commonwealth Avenue. Dagdagan mo pa ng pagbubukas ng Novaliches sa mga sasakyan na magbibyahe patungong hilagang bahagi ng bansa sa pamamagitan ng NLEX.

Sa paglapad at pagluwag ng kalsadang ito ay siya namang pagdalas ng mga aksidente sa kahabaan nito. Hindi minsang may napabalitang naholdap, nasagasaan o nagbanggaan sa lugar na ito. Kung naglalakbay kayo rito mauunawaan niyo ang sinasabi ko.

Takaw aksidente ang kahabaan ng Commonwealth Avenue. Una, dahil sa likas na lapad nito. At ikalawa dahil sa paligid nito.

Kung biyaheng langit ang mga sasakyang dito, ganun din ang kahabaan mismo ng Commonwealth Avenue. Salit-salitan kasi ang mga lugar dito, may residensyal, may komersyal, tapos residensyal ulit at komersyal na naman. Tahanan ito ng napakaraming informal settlers (politically correct term na mas kilala bilang mga iskwater). Kaya naman laging may nasasagasaan. May mga tawiran naman tulad ng nagkakailang overpass. May ilang alangin ang pinaglagyan nito at hindi naman talaga madalas na tinatawiran. Ngunit may ilan din namang sadyang nakasanayan (nakatamaran na) ng mga tao na sa under ng overpass dumaan. Sumalangit nawa ang kaluluwa nila.

scream mirror

Isang beses, saksakan ng trapik mula Litex. Usad pagong na may pilay ang dalawang paa ang trapiko nung araw na iyon. Bulung-bulungan na ng mga pasahero na baka may banggaan sa unahan kaya napakatrapik. Maya-maya’y may napansin kaming maliit na sasakyan, parang AUV na may wang-wang sa tutok pero hindi naman nagwawangwang. Singit ito ng singit sa kung saang singit. Shaggy  (shagilid) ang buhok ng drayber nito. May pailan-ilan pa nang buhok sa tuktok na lalong nagpatingkad lamang sa makintab nitong ulo. Payat na payat ang drayber, mukhang bangkay sabi ko nga, hindi naman sa pagmamaliit. Pero nang makita namin ang pangalan sa gilid ng sasakyan, ambulansya pala ng punerarya ito. Seryosong aksidente pala ito, hindi lang basta nasagi at nagasgasan ang pintura ng mamahaling kotse. Pagtapat namin sa pinangyarihan, nanggaling na doon ang ambulansya ng punararya at wala nang katawang nakahandusay. Ngunit bakas pa ang trahedyang naganap sa naiwang tsinelas at nagkalat na gulay mula sa nabitawang pinamalengke. Noong araw na iyon, dalawang buhay ang nautas, ang ina at ang batang kanyang dinadala.

Nabanggit ko na kanina na napakaraming sasakyan ang kasya dito. Pero sa maniwala kayo’t sa hindi, punum-puno pa rin ito tuwing umaga at gabu kung kailan oras ng pagpasok o pag-uwi ng mga manggagawa, estudyante at empleyado. Dito na pumapasok ang aksidente. Sa pagmamadali dumating sa paroroonan, kanya-kanyang diskarte ang mga drayber, lalo ang mga pampublikong sasakyan na naghahabol ng mga pasahero para madagdagan ang kita. Suksok dito, suksok doon. Hala! hindi mo na maintindihan ang direksyon, lalo ng mga bus (SAFEWAY AT JELL TRANSIT!) dahil nagpapagewang-gewang na ito sa kahahanap ng butas na malulusutan, saka haharurot pasulong.

Naiisip ko tuloy, mali yata ang nasakyan ko, hindi pala pa-Quiapo itong bus, kundi biyaheng langit sa bilis. Ganun pala ang pakiramdam ng biyaheng langit. Sinasampal-sampal ka ng buhok mo (o buhok ng katabi mo na walang pakialam sa’yo). Hindi ka makahinga sa nerbyos. Namamawis ang kamay mong nakakapit nang mahigpit sa estribo. Hilong-hilo ka na rin sa pabigla-biglang pag-abante at pagpreno, pagkanan at pagkaliwa, teka… kanan pala talaga. At lahat yata ng sumasakay dito, nagiging Katoliko kahit hindi, iisa lang ang dasal na nasasambit sa buong biyahe, “Dyus ko! Dyus Ko!”

kaya sa susunod na papara kayo ng sasakyan sa Commonwealth, itanong agad sa drayber kung saan ang kanyang paroroonan. Mungkahi din sa kinauukulan na maglagay ng karatula sa ibaba ng tanda na papasok ka na ng Commonwealth Avenue na WARNING: NOT FOR THE FAINT-HEARTED

1 Puna

Filed under kalorkihan

Makasaysayang Saysay

Sinambit ni Fidel Castro sa kanyang paglilitis noong kalagitnaan ng dekada 1950 ang pamosong “Kasaysayan ang magpapawalang-sala sa akin.” Sa pagsasalita niyang ito, kinikilala ni Castro ang papel ng kasaysayan bilang huling tagahatol sa mga naganap na pangyayari. Linawin natin na konsepto ng kasaysayan dito ang ay Marxistang konsepto kung saan tinitingnan ang kasaysayan bilang ang mamamayang lumilikha nito, at kung saan naman ang mamamayang tinutukoy ay “ang napakaraming tao na walang patutunguhan, iyong mga pinangangakuan ng lahat at pinagtataksilan ng lahat; ang mga nagnanais ng mas mahusay, mas marangal at mas makatarungang bansa; higit sa lahat mga tao na para makamit ang mga pagbabagong ito ay handang ibigay ang kahuli-hulihang hininga basta’t naniniwala sila sa isang bagay, tao, at higit sa lahat, sa kanilang mga sarili.”

Nitong nakalipas na mga araw, laman ng balita ang tatlong kababaihan. Una, si Madam President dahil sa kanyang kontrobersyal na SONA. Ikalawa, ang Fil-Am na si Melissa Roxas na nagsiwalat sa pagpapahirap na inabot niya sa kamay nina “Boss” o “Sir”. At ikatlo, si dating pangulong Corazon Aquino na kamamatay lang dahil sa kanser. Iba’t iba ang dahilan ng pagkakalagay nila sa ulo ng mga balita. Iba’t ibang emosyon ang nakakanti ng bawat isa. Ngunit higit sa lahat, babae man silang lahat, iba’t iba naman ang landas na kanilang tinatahak.

Si Melissa Roxas ang Fil-Am na napalagay sa sentro ng kamulatan ng mamamayang Pilipino dahil sa mga kwentong kaniyang isinisiwalat. Isang Pilipinang lumaki na sa US ngunit nagsisikap na balikan ang kanyang mga ugat dito sa Pilipinas, biktima siya ng pandarahas at panunupil sa sariling bayang tinubuan. Ngunit binabaliktad siya ng mga taong may koneksyon o dating bahagi ng militar. NPA daw siya.

Si Corazon Aquino, pumanaw na noong isang araw bunsod ng kanyang kanser. Hindi man niya aktibong hiningi ang pamumuno sa Pilipinas, buong-puso itong ibinigay ng mamamayang Pilipino sa kanya. Tinupad din niya ang pangakong pawawalan ang mga bilanggong pulitikal ng rehimeng Marcos. Instrumento din siya sa isang antas ng pag-unlad ng konstitusyon ng bansa. Siya ang simbolo ng pag-asa at tipunan ng mamamayan noong madidilim na panahon ng diktadurang Marcos. At hanggang sa huli, nananatiling bahagi ng konsensya ng taumbayan. Ngunit di rin maipagkakaila ang bahagi niya sa pagsasamantala sa mga manggagawa at magsasaka sa sariling Hacienda Luisita.

Si Gloria Macapagal-Arroyo naman ay bantog dahil sa katatapos na kontrobersyal na pahayag sa SONA. Sa isang pag-uulit sa kasaysayan ng pagpapatalsik sa di popular sa pangulo, si GMA ang pangunahing nagbenepisyo dito. Hanggang ngayon na isinusuka na ng mamamayan ngunit nakakapagpunyagi pa rin ang kasamaan.

Kapag matanda na tayong lahat, kundi man tuluyan nang pumanaw sa mundo at hinalinhan na ng bagong henerasyon, sa tatlong kababaihang ito, kanino kaya magiging mabait ang kasaysayan at pawawalang-bisa ang maliliit na pagkukulang kapalit ng pagbibigay-pugay sa dakilang sakripisyo? Sa “NPA” ba na binugbog at tinortyur dahil sa kaniyang mga paniniwala? Sa panginoong maylupa ba na simbolo ng pag-asa? O sa pekeng pangulong hindi daw nais maging popular kundi ang simpleng maglingkod lang sa bayan?

Bilang simpleng  gabay siguro sa atin ngayon, alalahanin lamang natin ang ultimong linya sa sarili nating Pambansang Awit…. “ang mamamatay nang dahil sa’yo!”

Mag-iwan ng puna

Filed under kalorkihan