Makasaysayang Saysay


Sinambit ni Fidel Castro sa kanyang paglilitis noong kalagitnaan ng dekada 1950 ang pamosong “Kasaysayan ang magpapawalang-sala sa akin.” Sa pagsasalita niyang ito, kinikilala ni Castro ang papel ng kasaysayan bilang huling tagahatol sa mga naganap na pangyayari. Linawin natin na konsepto ng kasaysayan dito ang ay Marxistang konsepto kung saan tinitingnan ang kasaysayan bilang ang mamamayang lumilikha nito, at kung saan naman ang mamamayang tinutukoy ay “ang napakaraming tao na walang patutunguhan, iyong mga pinangangakuan ng lahat at pinagtataksilan ng lahat; ang mga nagnanais ng mas mahusay, mas marangal at mas makatarungang bansa; higit sa lahat mga tao na para makamit ang mga pagbabagong ito ay handang ibigay ang kahuli-hulihang hininga basta’t naniniwala sila sa isang bagay, tao, at higit sa lahat, sa kanilang mga sarili.”

Nitong nakalipas na mga araw, laman ng balita ang tatlong kababaihan. Una, si Madam President dahil sa kanyang kontrobersyal na SONA. Ikalawa, ang Fil-Am na si Melissa Roxas na nagsiwalat sa pagpapahirap na inabot niya sa kamay nina “Boss” o “Sir”. At ikatlo, si dating pangulong Corazon Aquino na kamamatay lang dahil sa kanser. Iba’t iba ang dahilan ng pagkakalagay nila sa ulo ng mga balita. Iba’t ibang emosyon ang nakakanti ng bawat isa. Ngunit higit sa lahat, babae man silang lahat, iba’t iba naman ang landas na kanilang tinatahak.

Si Melissa Roxas ang Fil-Am na napalagay sa sentro ng kamulatan ng mamamayang Pilipino dahil sa mga kwentong kaniyang isinisiwalat. Isang Pilipinang lumaki na sa US ngunit nagsisikap na balikan ang kanyang mga ugat dito sa Pilipinas, biktima siya ng pandarahas at panunupil sa sariling bayang tinubuan. Ngunit binabaliktad siya ng mga taong may koneksyon o dating bahagi ng militar. NPA daw siya.

Si Corazon Aquino, pumanaw na noong isang araw bunsod ng kanyang kanser. Hindi man niya aktibong hiningi ang pamumuno sa Pilipinas, buong-puso itong ibinigay ng mamamayang Pilipino sa kanya. Tinupad din niya ang pangakong pawawalan ang mga bilanggong pulitikal ng rehimeng Marcos. Instrumento din siya sa isang antas ng pag-unlad ng konstitusyon ng bansa. Siya ang simbolo ng pag-asa at tipunan ng mamamayan noong madidilim na panahon ng diktadurang Marcos. At hanggang sa huli, nananatiling bahagi ng konsensya ng taumbayan. Ngunit di rin maipagkakaila ang bahagi niya sa pagsasamantala sa mga manggagawa at magsasaka sa sariling Hacienda Luisita.

Si Gloria Macapagal-Arroyo naman ay bantog dahil sa katatapos na kontrobersyal na pahayag sa SONA. Sa isang pag-uulit sa kasaysayan ng pagpapatalsik sa di popular sa pangulo, si GMA ang pangunahing nagbenepisyo dito. Hanggang ngayon na isinusuka na ng mamamayan ngunit nakakapagpunyagi pa rin ang kasamaan.

Kapag matanda na tayong lahat, kundi man tuluyan nang pumanaw sa mundo at hinalinhan na ng bagong henerasyon, sa tatlong kababaihang ito, kanino kaya magiging mabait ang kasaysayan at pawawalang-bisa ang maliliit na pagkukulang kapalit ng pagbibigay-pugay sa dakilang sakripisyo? Sa “NPA” ba na binugbog at tinortyur dahil sa kaniyang mga paniniwala? Sa panginoong maylupa ba na simbolo ng pag-asa? O sa pekeng pangulong hindi daw nais maging popular kundi ang simpleng maglingkod lang sa bayan?

Bilang simpleng  gabay siguro sa atin ngayon, alalahanin lamang natin ang ultimong linya sa sarili nating Pambansang Awit…. “ang mamamatay nang dahil sa’yo!”

Advertisements

Mag-iwan ng puna

Filed under kalorkihan

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

w

Connecting to %s