Monthly Archives: Setyembre 2009

Ang asyenda at ang magsasaka

Isa ito sa mga larawan na nakita ko sa blog ni Kenneth Guda. Tungkol ito sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita ilang taon makalipas ang welga at barikada nila at ang marahas na dispersal sa kanila. Ayon sa blog niya, may kakaiba na raw ngayon sa asyenda….

sana nga tuluy-tuloy na.

2 mga puna

Filed under kalorkihan

sa paggunita sa Batas Militar

KALAYAAN

KALAYAAN

mula sa exhibit na Wounded Spirits ni Oca Villamiel.

2 mga puna

Filed under kalorkihan

NEVER AGAIN!

NOON

NGAYON

3 mga puna

Filed under kalorkihan

Melissa Roxas

Nitong mga nakaraang araw, laman ng isip ko si Melissa Roxas. Siya iyung Fil-Am na kasapi ng Bayan-USA na naging laman ng mga balita noong mga buwan ng Hunyo nitong taon. Nagsampa siya ng kaso laban sa kina Gloria Macapagal-Arroyo at Gilbert “Gibo” Teodoro kabilang ang ilang matataas na upisyal sa AFP at PNP, pati na rin ang mga taong nakilala lamang niya sa kanilang mga alyas.

Noong mga panahong iyon, napakainit ng usaping ito dahil inilantad ni Melissa Roxas ang pandurukot sa kanya at sa dalawa pang kasama, sina Juanito Carabeo at John Edward Jandoc, at ang sumunod na mga pagmamalupit na dinanas nila sa kamay ng mga taong kilala lang bilang Dex, Rc at Rose.

Hindi naman nagtagal at naglabas din sina Jovito Palparan at Cong. Alcover ng mga video footages ng nagpapakita kay Melissa sa piling ng mga NPA daw, habang kasalukuyang nagtetreyning.

Ano ba ang gusto nilang ipunto dito? Na NPA si Melissa. at dahil NPA si Melissa, ok lang na madukot at matortyur?

Pinagugulo lang nila ang usapan sa pagtatangkang ikabit sa NPA si Melissa dahil ang TUNAY na usapin ay ang pandurukot at pagtortyur sa kanya.

Sa naging kontra-aksyong ito nina Alcover at Palparan lumalabas ang katotohanan sa mga napapabalitang mga pandarahas ng militar sa mga karaniwang magsasaka sa probinsya at maging sa mga simpleng aktibista lamang na pinararatangang mga NPA.

Subalit sa desisyon ng Court of Appeals nitong nakaraang August 26, 2009, iginawad nito kay Melissa Roxas ang WRIT OF AMPARO AND HABEAS DATA. Ngunit, gayundin, hindi naman nito isinakdal ang mga akusado bilang mga mismong nagsagawa ng pagdukot at pagtortyur kay Melissa Roxas.

Kulang pa rin, kung ako ang tatanungin. Ipinagutos ng CA na ipagpatuloy gn mga kinauukulan ang kanilang mga imbestigasyon para mabigyang linaw ang kaso. Subalit, ipagpapatuloy ba ito ng mga taong mismong inaakusahang nagsagawa ng mga krimeng ito?

Tingnan niyo na lang ang kapal ng apog nito:

This page requires a higher version browser
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV

Mag-iwan ng puna

Filed under kalorkihan

Naghihintay

blank marker

 

Tandang blanko

Naghihintay sa kasaysayang

Maiuukit sa kanya

Para panatiling-buhay

Ng mga salinlahi

Ang alalala

Mag-iwan ng puna

Filed under bakanteng oras

At hihirit pa! (si mikey arroyo sa unang hirit)

Ang sinungaling daw ay kapatid ng magnanakaw. Pero si Mikey Arroyo ay magnanakaw na nga, sinungaling pa. Manang-mana sa kanyang mga magulang.

Aliw na aliw ako sa panonood dito sa video na ito. Natutuwa ako sa pangigigisa na inabot ni Mikey mula kay Igan at lalo na kay Mareng Winnie. Habang tumatagal kasi, nagbabago ang itsura ni Mikey. Sa simula, composed at amiable, bukas sa pakikipagtalakayan. Pero habang hindi niya malusutan ang mga isyu dahil ayaw siyang palusutin ni Mareng Winnie, nagiging peke ang ngiti niya, kasing peke ng nanay niya, at pagtuturo na sa mga abogado niya.

Kawawang mga abogado niya, sila ngayon ang itinuturo ni Mikey na sumagot sa mga discrepancies sa kanyang SALN. Sabagay, trabaho nila iyon.

Nakakasuka ang pagmumukha niya sa pagtatangka niyang ipaliwanag ang mga kababalaghan sa kanyang lumobong kayamanan. Ano daw, as far as I’m concerned, my SALN is self-explanatory. Putcha, kaya nga siya isinalang dun sa show kasi hindi nga maintindihan eh.

Itong pamilya niya, sobra na ang pagnanakaw, pagkagahaman at kasakiman. Hindi lang pala sa mamamahaling hotel at restawran masiba ang mga ito, kundi maging sa mga real estate properties. Samantala, ang mga Pinoy na patuloy nilang hinuhuthutan ng pera at pinahihirapan, lalong nalulubog sa kumunoy ng kahirapan at kagutuman.

Bago tayo magtapos, iiwan ko sa inyo ang video na ito ang Chicken ala Carte ni Ferdinand Dimadura mula kay arianfilm sa youtube.

Salamat sa video mula kay Pinaswatcher ng youtube.

3 mga puna

Filed under kalorkihan

Nakakulong na Diwa: isang rebyu sa SELDA

Nitong nakaraan, matapos mapanood ang Transformers 2 sa wakas, at ang bagong Harry Potter and the Half-Blood Prince, nagpasya akong subukan naman ang Pinoy indie. Dalawa ang pinanood ko, pero isa-isa lang muna ang kwento.

selda

Itong ikukuwento ko at uuriratin ay ang SELDA na pinagbibidahan nina Ara Mina, Sid Lucero, at Emilio Garcia. Kwento ito na umiinog kay Sid Lucero bilang Rommel, isang taong nakakulong sa pisikal na mundo at sa sariling katauhan din niya. Maganda ang takbo ng istorya, kahit medyo mahaba sa dalawa’t kalahating oras dahil may mga eksenang maari pa sanang paikliin o alisin na mismo.

Bumungad ang eksena sa dalawang taong naghihintay, si Ara Mina bilang Sita naghihintay sa karelasyong si Sid at isang bata sa kalsada na naghihintay lamang ng pagkakataon na maitakbo ang bag ni Ara Mina. Habulan ang sumunod na eksena, habulan ng dakilang boypren at ng batang isnatser na nauwi sa malagim na katapusan. Nabangga ang bata sa pagtawid sa kalsada at dumiretso naman sa kulungan ang binata.

Sa kulungan, maraming bagay ang ipinakita at bahagyang sinaling ng kwento. Una, ang hirap ng buhay sa kulungan. Ikalawa, ang malupit na pagtatrato ng kapulisan, o ng hepe partikular sa kwentong ito, sa mga preso. Ikatlo, ang pagmamalupit ng preso sa kapwa preso. Ikaapat, ang mga pagbabagong mangyayari sa iyo dahil sa karanasang ito.

Ipinakita dito ang paraan ng pagkain ng mga preso, ang pasilyo bilang mess hall nila. Hindi rin syempre nakaligtaan ang marumi at nakakasukang kalagayan ng sanitasyon sa loob. Isang palikuran na nag-uumapaw man sa dumi ay kailangan mo pa ring gamitin dahil wala namang ibang pagpipilian. Maliit na selda ng lima katao kahit apat lamang ang tulugan Si Rommel ang nakaduyan dahil siya ang pinakabaguhan.

Pagpasok pa lamang ni Rommel sa kulungan, eksena na si Michael de Mesa bilang sigang hepe. Kitang-kita kung paano ito nagpo-power trip sa mga nasa loob. Isang kontradiksyon sa sarili niya mismo, relihiyosong nagsasambit ng mga kataga sa bibliya ngunit umaastang panginoon din sa loob ng rehas.

Ngunit kung inaakala mong nakahanap ka na ng kakampi sa mga kapwa mo preso, nagkakamali ka. Tulad sa buhay sa labas, iba-iba ang aktitud dito – kapit sa patalim, matira ang matibay, patangay lang sa agos kung di mo kayang sumalungat. Ngunit nagmatigas si Rommel at pinagbayaran niya ito.

At ang pinakamahalaga, ang pagbabagong magaganap sa sarili mo. Sa dami ng karanasang pinagdadaanan ngmga kapwa preso, nabubuo ang ugnayang hindi pinaplano. Hindi naging ligtas dito si Rommel at taglay niya ito hanggang sa makalabas siya. Mahusay ang daloy ng kwento hanggang dito – makatotohanan, sariwa, emosyunal. Maging ang pagganap ng mga artista ay hindi matatawaran.

Dito na medyo gumulo.

Sa kanyang paglabas, nagbuo sila ni Sita ng pamilya at pinili ang tahimik na buhay sa bukirin. Hindi siguro sapat ang pananaliksik ng nagsulat nito tungkol sa buhay ng magsasaka. Tanghali nang gumising si Rommel, mataas na ang araw kung pumunta ng bukid. Pagkakain sa tanghali, matutulog, at pagkagising nama’y uuwi na. Pagdating naman sa bahay, sasakay ng kanyang duyan at matutulog muli habang hinihintay ang tawag sa hapunan. May naging malapit na kapwa preso si Rommel noon, si Esteban, at sa paglaya nito, tinunton ang bahay niya sa probinsya. Doon ito nakitira sa maliit na bahay ng mag-asawa, kung saan, kurtina lamang ang pagitan ng mag-asawa at ng kanilang bisita. Dito na napatotohanan ang hinala ko, may relasyon ang dalawang dating preso ala-Brokeback Mountain. Nagpupunta sila sa bukid at inaabot ng gabi doon. Mayroon silang relasyon na kadalasa’y di na kailangan pang mag-usap para magkaunawaan. Umabot sa puntong hindi na kayang panindigan ni Rommel ang kanilang relasyon dahil naguguluhan siya sa kanilang sitwasyon. Sa kanyang galit na pagtatabas ng damo, aksidenteng tinamaan ang anak na naglalaro sa damuhan.

Sa madaling sabi, naputol ang relasyon ng dalawang lalaki at nanaig ang relasyon ni Rommel at Sita, sa paglisan ng bisita sa mag-asawa at sa problema. Sa tingin ko’y dalawang magkaiba ngunit magkaugnay na kwento ito. Ang unang bahagi ay maaari na sanang makatindig sa sarili nito. Buhay sa selda, buhay ng preso. Literal na pagbibigay-hugis sa pamagat nitong Selda. Ang ikalawa ay maaari din makatindig sa sarili nito. Maaari sanang nagbigay lang ng maikling kasaysayan sa naging kalikasan ng relasyon ni Sid at ni Emilio, bago tumungo sa kasalukuyang relasyon nila kasama ang asawa ni Rommel. Dito maaaring matalinhagang Selda na ang pinag-ukulan ng kwento.

Bunsod ba ang kwentong ito ng tunay na kamulatan sa mga dinadanas at sikolohiya ng mga bakla? O bunsod lang ba ito ng pagiging uso ng mga pelikula tungkol sa mga bakla?

 Kung ako ang tatanungin, irerekomenda ko pa rin ang pelikulang ito, ngunit laging may kakambal na pasubali. Maganda ang pagkakagawa, mahuhusay ang pagganap ng mga artista at sa esensya, isang kwento pa rin ng paghahanap sa kaligayahan at sa sarili.

1 Puna

Filed under bakanteng oras