Kalbaryo ni Magdalena


Nitong nakalipas na mga araw, ginulantang tayo ng balitang isang 16 anyos na dalagita ang ginahasa. Ginahasa hindi ng isa, hindi dalawa, at hindi rin tatlo, kundi ng 20 kaklase niya. Hindi ko lang alam kung babae’t lalaki ba ang gumahasa sa kanya. Ayon sa kanya, kung anu-ano ding kahalayan ang ginawa sa kanya ng kanyang mga kapwa kababaihan. Awang-awa ako sa kanya nang makita ko siya sa telebisyon. Parang walang kabuhay-buhay na manikang inaalalayan ng kanyang mga kamag-anak. Isa na lang siyang bahayan ng dating masiglang dalagita, na hindi pa naman ganap na namumukadkad ay walang awa nang pinitas at pinagsamantalahan.

At simula pa lamang ito ng kanyang kalbaryo na hindi naman niya dapat pasanin. Bilang isang babaeng naghahanap ng katarungan mula sa panggagahasa sa kanya, siya rin ang babalikat sa pagpapatunay na naganap ang lahat ng kahalayan nang hindi niya hiningi, ginusto at ikinisiya. Sa lahat ng lipunan sa buong mundo, mula Europa hanggang Arabia, dinadanas ng kababaihan ang ganitong salawang pamantayan. Kung sa mga industriyalisadong bansa na may liberal na mga kaisipan, kalbaryo iyon ng kababahain, ano pa kaya sa ating atrasadong bansa na may patrirarkal at konserbatibong kaisipan?

Ang atrasadong kaisipang kailangang maging birhen, mahinhin at di-makabasag pinggan ang kababaihan ay hindi lamang sa kabilang kasarian matatagpuan. Aminin na natin, kahit ang mga kabaro natin, kapag may nababalitaang na-rape o nagahasa, naiisip pa rin na “baka hinihingi” din ng babae iyon. Ibig sabihin, kung nakaminiskirt at tube at pumaparada sa kalsada, naghihintay lang na mangyari ang aksidenteng iyon. O kaya, kung mabilis makipagkaibigan ang babae at nakikihalubilo sa mga lalaki, nag-aanyaya siya ng disgrasya. Pero paano naman ang batang walang muwang na nababalitaan nating minoletisya o ginahasa? Paano din natin ipapaliwanag ang mga lolang ginagahasa pa sa kabila ng kanilang edad at maayos na pananamit?

Sa madaling salita, ang rape o panggagahasa ay hindi isang anyo ng pamamarusa dahil “malandi”, “magaslaw,” o “pakawala” ang isang babae. Ito ay pagsasamantala. Iyon at iyon lang. Pagsasamantala ng isang malakas sa mas mahina. Pagpapakita ng kapangyarihan sa wala. Ang panggagahasa ay isang krimen na dapat nating tingnan bilang isang krimen at hindi bunga lamang ng iba pang mga bagay. Hindi ito gawain ng isang matino at disenteng tao. Ito ay hindi makatao.

Ngayon, kung ang mismong panggagahasa ay isa nang nakakasukang krimen na nagpapakulo sa dugo ng biktima, mga kaanak niya at nakikisimpatya at nakakunawa sa kanya, ang dagdag na kalbaryo niya matapos iyon ang asin sa naghahapding sugat. Hindi nagtatapos ang panggagahasa sa paghugot ng titi sa puke ng babae. Isa iyong hindi matapos-tapos na siklo ng panggagahasa sa utak ng biktima.

Hindi niya ito agad na isusumbong (kadalasan nga, pilit na lang ibinabaon sa limot) dahil baka pagalitan pa siya dahil sa nangyaring iyon. Kesyo ang kapal-kapal ng make-up niya, o laging nakalabas ang pusod niya, at kung anu-ano pang dahilan. Kapag naman nagpasya ang pamilya nila na maghabla, panibagong sugat na naman iyon dahil kailangan niyang balikan ang mapapait na pangyayari para sa kanyang sinumpaang salaysay, habang nagtataasan ang kilay ng mga nakakarinig o kaya’y tinitigasan pa nga. Kung sakali namang umabot na sa korte ang kaso niya, ang abogado ng akusado ay paulit-ulit namang ipagduduldulan sa mukha niya na walang kinalaman ang kanyang kliyente. Pero, kadalasan, ipapamukha sa kanya na ginusto niya ang nangyari sa kanila, kahit pa lumalabas na ang lahat litid sa leeg ng biktima at pumutok na ang mga ugat niya sa mukha sa kaiiyak at paulit-ulit na pagsasalaysay kung paano nangyari ang kahalayan. Sa karamihan ng mga kaso, ang biktima ang nagiging akusado at bumabalikat sa pagpapatunay na totoong ginahasa siya at hindi simpleng pagtatalik ang nangyari.

Kung ganyan ang haharapin ng isang biktima ng panggagahasa, sino pa ang magpapasyang ipaglaban ang dangal niya, na mukha namang walang ibang nagpapahalaga kundi siya lamang?

Kawawa. Kawawa. Kawawa tayong mga kababaihan. Pero ang kalbaryong ito ang hindi natin dapat pasanin habambuhay. Ang kalbaryong ito na ipinataw sa atin ng patriyarkal at atrasadong lipunan ay kaya nating igpawan. Pero hindi natin ito magagawa nang biglaan, sa isang iglap lamang. Isang mahaba at madugong proseso ng pagbabago sa kung paano tayo mag-isip at tumingin sa kapwa ang kailangan nating simulan. Isang gahiganteng gawain at sakripisyo ang muling turuan ang lipunan, kabilang tayong kababaihan, para tingnan ang rape at pang-aabusong sekswal bilang karimariman na mga krimen at huwag itong pilit ikubli sa likod ng iba pang “kasalanan”. Kung magkakasama tayo, magkakakawing ang mga bisig at pare-parehong binubuksan ang pag-iisip, malalagot natin ang tanikala ng diskriminasyong sekswal at masasaksihan din natin balang-araw ang pagbukang-liwayway ng isang bagong araw na magkakapantay ang lahat ng tao, babae, lalaki, bakla at tomboy.

— inilagay ko uli ang artikulong ito na isinulat ko nung nakaraang taon dahil sunud-sunod nanaman ang balita ng panggagahasa. nakakalungkot!

para sa mas malalim na pagtalakay, iclick itong link, http://www.aest.org.uk/

3 mga puna

Filed under kalorkihan

3 responses to “Kalbaryo ni Magdalena

  1. strawberryapple

    eh!!hindi lang!!naman ksi mga ”Lalaki” ang marunong na mang rape pati ”Kapwa girls” rin..us marunong na rin..ang ”Deperensiya” wla ”Ngipin” ang ”Batas” at mismong ”Gobyerno”

  2. bigla akong naawa sa nabasa ko. napaka sama naman nung isang batalyong nangrape. Gusto ko silang murahin habambuhay. Ayokong may babaeng napagsasamantalahan.

  3. Tsk, tsk, tsk. Nakakatakot isipin, dahil may punto yung sinabi mo na maaakusa pa yung babae kaysa dun sa mga hayop na sadistang nang-gahasa. Isipin mo’t 20 yung nanggahasa na makikipag-sinungalingan sa korte laban sa isang babaeng nilapastangan.

    Kailangan yatang ituhog sa utak at etet ng mga kalalakihan hayuk sa laman na may impyerno pa silang kalalagyan bago sila mahatulan ng bitay.

Mag-iwan ng tugon sa Otakore Literantadodist Pindutin ito para bawiin ang tugon.