“Arroyonomics”: ekonomya at sona


”Arroyonomics”: ekonomya at sona

Paano ba natin titingnan ang SONA ni GMA? Napakarami niyang datos na ibinigay bilang patunay sa mga nakamit ng kanyang administrasyon noong nakaraang taon.

Sabi mismo ni GMA sa kanyang SONA:

“In sum:

1. We have a strong economy in a strong fiscal position to withstand political shocks.

2. We built new modern infrastructure and completed unfinished ones.

3. The economy is more fair to the poor than ever before.

4. We are building a sound base for the next generation.

5. International authorities have taken notice that we are safer from environmental degradation and man-made disasters.”

Sa harap ng pandaigdigang krisis sa ekonomya, napakagandang pakinggan ng mga ito. Para bang ang Pilipinas ang tanging bansa na ipinag-adya ng kapalaran laban sa pagkalugmok ng ekonomya. Salamat sa ating mabuting Pangulo na hindi naging Pangulo para maging popular, kundi para maglingkod sa mamamayan at isulong ang kabutihan ng taumbayan.

Pero huwag tayong magpalinlang sa mga pinagsasabi niya sa entablado dahil alam at ramdam naman natin ang totoo.

Una, ang matatag na ekonomya na ipinangangalandakan niya ay isang hungkag at mapanlinlang  na ekonomya. Hungkag dahil wala naman tayong batayang mga industriya gaya ng pagawaan ng bakal (naibenta na), kemika/gamot (buti pa ang India), agrikultura (nag-aangkat pa nga tayo ng bigas) atbpang industriya na mahalaga at esensyal para makatayo sa sariling paa ang isang bansa. Mapanlinlang din ito dahil kalakhan ng mga negosyo na nagpapaikot sa ekonomya natin ay mga pag-aari ng dayuhan. Mula sa simpleng shopping mall ni Henry Sy hanggang sa malalaking kumpanya sa pagmiminas tulad ng Lepanto Corp., hindi maitatanggi na malaking bahagi ng mga ito at malaking porsyento din nito sa kabuuang ekonomya ay pag-aari ng mga dayuhan, o di kaya’y ng mga Pilipinong korporasyon na pantabing o dummy lamang ng dayuhang mga korporasyon.

Ikalawa, kaugnay pa rin ekonomya at ang ipinangangalandakann niyang mas maka-mahirap o pro-poor ang ekonomya ngayon, hindi ito totoo. Dahil sa patakaran ng gubyerno ng pribatisasyon o ang pagbebenta ng mga pampublikong/korporasyon pag-aari  ng gubyerno sa mga pribadong entidad o kumpanyan para makalikom ng pondo, ”makatipid” sa gastusin o ”mapahusay” ang serbisyo, lalong tumaas ang pangunahing bilihin at serbisyo, gaya ng tubig at kuryente. Gayundin, mula nang ipinasa ang Value Added tax (VAT) at Expanded Value Added Tax (EVAT) bilang bahagi ng paglikom ng pondo ng gubyerno para mapunan ang kulang na kulang na panggastos nito, ultimo sardinas na itinuturing na pagkain ng mahihirap, ay napakamahal na ring bilhin. Idagdag pa natin ang ”sin tax” na bagong-bagong ipinasa (2007, kung hindi ako nagkakamali) at ang nakaambang pagpapalawig dito, at ang binabalak noong buwis sa pagtetext o SMS. Masasabi nating epekto na ito ng liberalisasyon ng ekonomya mula noong pumirma ang GRP sa General Agreement on Tariffs and Trade-World Trade Organization (GATT_WTO) kung saan pumapayag itong maluwag na makapasok ang mga dayuhang negosyo o produkto sa mababa (o libre pa nga) na taripa sa gubyerno. Sa esensya ang mga tax cuts na ito ay nagpababa sa kakayahan ng gubyerno na makalikom ng sariling panggastos (at protektahan ang sariling industriya at mamamayan), ang dahilan kung bakit ang simpleng mamamayan ang kailangang pigain nito para sa kulang na pondo.

Isa pa, ang ”700,000 na katutubo at mahigit isang milyong benepisyaryo ng CARP” ay wala pa sa kalingkingan ng mga mahihirap na walang sariling lupa. Ilang milyong magsasaka ang nakikiamot pa rin sa biyaya ng lupang binubungkal nila na pag-aari ng iilang mayayamang pamilya? At kung hindi ako nagkakamali, kahit pa pasok ang CARP ang lupa, may probisyon ng kontrata nito ng pagremata sa lupa kung hindi mabayaran ang hulog sa loob ng tatlong buwan. Hindi rin naman titulo mismo ang ibinibigay dito, karapatan lang at hindi pag-aari sa lupa.

Ikatlo, sa usapin ng mga imprastruktura na natapos at tinapos, dapat lamang na gawin nila ito. Bahagi ito ng serbisyo publiko. Huwag nang magmalaki si GMA sa ”tagumpay’ na ito dahil puno din ng anomalya ang mga proyektong ito. Ang NAIA 3, kung matatandaan natin ay naging sentro ng kontrobersya dahil sa pagkakawaldas sa pondo nito at ang pagbagsak ng kisame nito bago pa man mapasinayaan at maibukas sa publiko. Ang Subic-Clark-Tarlac Expressway ay lumampas din sa nauna nitong target na makumpleto ang proyekto. Sabi nga ni Neal H. Cruz sa kanyang pitak sa Inquirer, ang maikling kalsada na ginawa sa may reclamation site at ipinangalan kay dating pangulong Diosdado Macapagal ay pasok sa Guinness Book of World Records bilang pinakamahal na kalsadang ginawa sa buong mundo na tila nilatagan ng ginto. Maging ang mga eskwelahan na ipinagmamalaki niyang naipatayo ay hindi pa rin sapat. Maraming eskwelahan ang nagiba na noong nagdaang mga kalamidad, may mga bagong tayo naman na hindi kumpleto ang pagkakagawa, tulad ng mga palikuran na hindi maaayos ang pagkakalatag at nagbabara, may paaralang wala man lamang lababo, atbp. Sa Payatas lamang nitong nakaraang pasukan, humingi na ito ng espesyal na permiso para hindi na tumanggap ng estudyante dahil hindi na nila kaya ang bilang ng mga estudyante. Ayon nga sa matatanda, siksik at liglig na ito ng ma estudyante, lalabas na sa ilong dahil sa dami.

Ikaapat, tungkol sa ”sound base” ng susunod na henerasyon, ito ba ang layunin ng English Language Policy niya sa mga paaralan? Ang itulak ang kabataan na matuto ng isang banyagang lengwahe bilang paghahandang maging isang ”world-class citizen”? Ang ilunsad ang mga pag-aaral sa isang lengwahe na hindi naiintindihan ng mga mag-aaral, at kung gayon, hindi makakatulong sa kanilang pag-unlad. Pasok sa isang tainga, labas sa kabila.  Hindi naman sa itinatakwil ko nang lubos ang banyagang mga lengwahe, ngunit marami nang pag-aaral na naisagawa na mas mahusay na gamitin ang natural/likas na lenggwahe ng isang bata sa mga unang taon ng pag-aaral nito. Tingnan natin ang ibang mga bansa, pinagtatawanan natin ang mga pag-Iingles nila, gaya ng mga Hapon, Tsino at iba pa, dahil hindi sila matatas at balu-baluktot ang gramatika. Pero kung susukatin ang antas ng kaalaman at edukasyon ng kabataan sa kanilang mga bansa, di hamak na nakakahiya ang lagay natin, lalo sa syensa at matematika. Halimbawa na lamang ang isang pribadong eskwelahan sa dati kong pinasukan, sumisingil ito ngayon ng humigit-kumulang P40,ooo para sa isang taon. Pero nang mabasa ko ang kanilang highschool organ, mababa ang kalidad ng pag-iingles at maging ang kalidad ng mga artikulo. Mabuti sana kung magagandang artikulo ito na nakakatawa lamang ang pagkasulat sa Ingles, ngunit ang mga artikulo mismo ang may problema. Bukod pa sa teknikal na mga aspeto nito, gaya ng lay-out, proofreading atbp. Kung ganito na ang maibibigay ng isang pribadong eskwelahan na pang middle-class, paano pa kaya ang mga pampublikong paaralan na hindi naman maituturing na pilot school (hal. Philippine Science HS, Quezon City Science HS, Manila HS, UP, atbp)?

Kung talagang nais nating umunlad ang bansa, ang kalidad ng edukasyon ang dapat pagtuunan ng pansin.

At ikalima, saan naman nanggaling ang ” we are safer from environmental degradation and man-made disasters”? Kung tutuusin, napakatagal na kasing naghihirap ng bansa natin kaya parang hindi na bago ang krisis ngayon. Sa tingin ko, pambobola lang ng mga internasyunal na ahensya ang pahayag na ito para papasukin sila sa bansa at makapanghuthot pa ng kung anong mahuhuthot nila. Hindi ba’t ang ibig namang patungkulan dito ni GMA ay ang pagtataas sa credit rating ng Pilipinas dahil tumaas umano sa $3 billion ang reserves natin? Tama na magpasalamat siya sa mga OFW dahil sila ang bumubuhay sa ekonomya natin ngayon. Sa kabilang banda, kahit maganda na pinayagan tayong mangutang nang mas malaki ngayon, utang pa rin iyon. Utang na babayaran ng susunod na henerasyon dahil sa pagpapabaya ng gubyerno sa pangongolekta ng buwis at sa direktang pangungurakot sa pondo sa mga proyektong naging pundasyon na sana ng ating ekonomya.

Kung titingnan natin ang  tinaguriang ”Arroyonomics” ni GMA, wala naman itong ipinag-iba sa esensya sa iba pang naunang mga administrasyon, kung saan ang mga patakaran ng gubyerno ay higit na nakakiling sa malalaking negosyo laban sa maliliit na manggagawa at ordinaryong mamamayan. Pagtahak lang ito sa linya ng neo-globalisasyon, na ayon sa kanya’y ”a free market, not a free-for all.” Totoo naman ito, dahil ang malaya lang namang makapasok sa kumpetisyong ngayon ay ang malalaking kumpanya na may rekurso at tibay ng sikmura na magsamantala sa iba habang nagpapasasa sila. Paano naman makakasali at mananatiling buhay dito ang maliliit at karaniwang tao na gusto rin sanang umunlad ang buhay? Kaya, nauso ang micro-financing.

Sa buong mundo ngayon, lugmok ang pinakamalalaking kapitalistang ekonomya, hindi dahil sa kung ano pa mang dahilan, kundi dahil sa katangian mismo ng mga ekonomyang ito. Pinapayagan ng kapitalistang ekonomya na gumanansya nang husto ang mga kapitalista sa pamamagitan ng malalaking tubo sa kanilang mga produkto, habang binabarat naman ang sahod ng mga manggagagwa nito. Tulad ng nangyari noong dekada 1930’s, kung saan napakaraming produkto ang nalikha ngunit walang bumibili ng mga ito dahil walang pambili, ganito rin ang nangyayari ngayon. Matumal ang mga negosyo kahit pa bagsak-presyo na ang mga produkto. May mga trabaho mang bukas para sa mga nagnanais makipagsapalaran sa ibang bansa, wala namang pilang mahaba dahil wala lang maibayad na placement fee.

Huwag magmalaki si GMA sa mga ”tagumpay” niya, tandaan nating nabubuhay tayo sa utang at nakaasa ang ekonomya natin sa dayuhang mamumuhunan. Kung ang kani-kanilang mga bansa ay hindi pa lubos na nakakabawi sa krisis na kinalugmukan nito, saan nanggaling ang pahayag ng gubyerno na tapos na ang pinakamadilim na gabi at nakawala na tayo sa panganib?

Mag-iwan ng puna

Filed under kalorkihan

Mag-iwan ng puna