Kahit bumaba na ulit ang presyo ng produktong petrolyo at ng pamasahe, hindi rin naman tumaas ang sahod kaya patas-patas lang. Siguradong iba-iba ang paraan ng mga ginang ng tahanan, mga “money-dyer” sa pagbabadyet sa maliit na kinikita. Hindi kami naiiba sa milyun-milyong pamilyang Pilipino na naging lifestyle, o paraan ng pamumuhay, ang paghihigpit ng sinturon.
Maari nating himay-himayin ang bawat aspeto ng pagtitipid na ginagawa
A. Sa pagkain
Alam nating lahat na napakamahal na ngayon ng mga karne. Ang isang kilo ng manok ay Php 110, Php160 naman ang sa baboy at Php 250 ang sa baka. Higit tayong makakatipid kung isda at gulay ang pangunahin nating kakainin. Malusog ito kapwa sa katawan at sa bulsa.
Maaga pa lamang, tinuruan na namin ang anak namin na kumain ng gulay. Kung ano ang kinakain namin, iyon din ang sa kanya.
Sa pamimili, halong supermarket at palengke ang estratehiya namin. Liban kung mayroon kayong suki at sigurado kayo sa kalidad ng karne, mas maiging sa supermarket kayo bumili para sigurado. Samantala, kung gulay at isda naman ang bibilhin, mas makakamura pa rin sa mga talipapa at palengke.
B. Sa damit
Hindi na rin kami masyadong bumibili ng mga bagong damit. Lalong bihirang sa mall kami namimili. Kadalasan naghihintay kami ng bagsak presyo ng kalapit na ukay-ukay. O kaya, sa Divisoria at Quiapo kami nagpupunta, pero minsanan lang dahil mahal ang pamasahe. Pero kung halimbawa, naka-SALE din ang mall at nakita naming halos ganoon din ang presyo sa Quiapo, bumibili na din kami. Paalala nga pala, hindi lahat ng damit ay mura sa Quiapo at Divisoria. May mga damit na aakalain mong mas mura dahil nasa bangketa pero halos presyo lang pala ng nasa mga mall.
C. Sa gastusin sa bahay
Syempre, bilang bahagi ng pagtitipid, kailangang matutunan din ng bata ang maliliit na bagay tulad ng pagsasara ng TV, electric fan at ilaw kung lalabas siya sa kwarto. Sa paliligo, limitado na rin ang paggamit ng shower.
D. Sa mga laruan ng bata
Hindi namin siya pinalaki na sanay sa mga laruan. Halos lahat ng laruang mayroon siya ngayon ay mga regalo sa kanya. Kapag nagpupunta kami sa mall, lagi kaming dumadaan sa Toy Kingdom o kaya’y Toys R Us dahil nakakapaglaro siya doon. Mababait kasi ang staff dito at may mga laruang sadyang inilabas para maengganyong maglaro ang mga bata. Hindi namin sinanay ang bata bilhan siya ng mga laruan at dahil alam din niyang wala kaming pera, sapat na sa kanya ang magkutingting ng mga laruan habang nasa mall. Kapag napagod na siya sa paglalaro doon, pwede na kaming umuwi.
E. Pamamasyal
Hindi kumbensyunal ang pasyalan namin kahit sa mall kami nagpupunta. Dito, nag-eenjoy kami sa pag-iikot sa supermarket, mahilig kasing magluto ang asawa ko, at mahilig naman akong kumain. Minsan naman, pinapayagan namin siyang maglaro sa mga detoken na laruan doon, at talagang bibili kami ng token. Ayaw kasi naming masanay na tuwing pupunta ng mall, sasakay doon, sayang ang pera, kaya kadalasan, pinasasakay lang namin siya. Okey na siya doon kaya hindi na kailangang hulugan pa ng token. Ang madalas din pala namang puntahan sa mall ay ang mga bookstore doon. Mahilig din siyang magbasa kaya masaya din siyang tumitingin ng mga libro doon. Mga workbooks at libro ang madalas naming ibinibili sa kanya.
Marami pa siguro kayong alam na pagtitipid. Turuan niyo din ako ha.

