Nobyembre 6, 2009

DED na sina LOLO at LOLA (Tiyo, tiya at iba pa)

 

Sa paggunita sa araw ng mga patay sa susunod na mga araw, gusto kong ibahagi ang isang pelikula na nagpapakita sa kaugaliang Pinoy pagdating sa mga patay, and Ded na si Lolo.

Ang pelikulang ito ay isinulat at idinirehe ni Soxie Topacio.

 

Tawa kami nang tawa nang pinanood namin ito. Kuhang-kuha kasi ang kaugaliang Pinoy sa pelikulang ito. Para lang pinapanood mo ang sarili mo sa pelikulang ito.

 

Pamilyar ang mga tao sa mga pamahiin na binabanggit sa pelikulang ito, hindi na bago, ika nga. Pero ang nakakagulat, mayroon pa palang hindi ko alam. Tulad ng paglalagay ng pera sa kamay ng patay, hindi bilang pabaon sa kanya, kundi para maging maswerte sa hahawak ng perang ito na kukunin din bago ilibing ang bangkay. Isa pa’y bawal din daw ang maligo sa bahay na may patay. Dapat din daw, ang lahat ng malilikom na abuloy ay gagamitin sa patay lamang. Hindi rin daw dapat nakatapat sa pinto ang mga paa ng patay. Dapat din daw na agad na maglinis ng bahay sa sandaling buhatin ang patay palabas ng bahay. Maswerte din daw ang makasalubong ng prusisyon ng patay sa daan.

 

Ilan lang iyan sa mga pamahiin na bago sa akin at doon ko lang nalaman sa Ded na si Lolo.

 

Nakakatawang eksena din dito ang ugaling Pinoy na “picture-picture”. Mahilig magkuhanan ng litrato ang mga Pilipino. Gustung gusto kasi nating hulihin ang tuwa ng sandali at ikahon ang mga ito sa eskaparate para lagi nating makita at mabalik-balikan ang mga “Kodak moment”. Lalo nang nauso ang Friendster at Facebook, lahat na lang ng kilos ng tao, gusto nilang pakunan ng litrato para maipost sa internet at makita ng mga tao, kilala man nila o hindi. At oo, maging ang mga malulungkot na pangyayari, tulad ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay, ay hindi ligtas sa pagnanais na maidokumento ito sa litrato. Hindi naman ito masama. Ang kaso lang eh, kailangan ba talagang ngumiti kapag nagpaplitrato kahit hindi naman bagay sa okasyon at dahil naiuugnay lang na kapag “picture-picture” kailangan lagi naka-”Smile!”

 

Bukod sa mga pamahiin na ipinakita dito sa pelikula, isang aspeto din nito ang pagpapakita sa isang hindi gaanong magandang ugaling pinoy. Hindi lamang pagdadalamhati ang dulot ng pagbaha ng luha sa lamay na ito. Sa isang eksena dito, may dumating na bisitang matandang babae na hindi kilala ng sinumang pamilya ng namatay maliban sa isang anak nito. Noon lamang lumabas ang isang matagal nang sekreto ng ka

nilang ama. Gayundin,
nabunyag din ang sama ng loob na kinikimkim ng isang kapatid sa napakahabang panahon.

 

Ang lamay na karaniwang ginagawa ng mga Katolikong Pilipino sa loob ng isang linggo

ay isang okasyon para magdalamhati at magdiwang. Magdalamhati sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay at magdiwang sa buhay na kaniyang tinahak. Ngunit, ang lamay, tulad ng ipinakita sa Ded na si Lolo ay okasyon din ng pagpapakatotoo at pagharap sa mga takot at pag-aalinlangan, at ng maluwag na pagtanggap sa mga ito.

 

Sa mga lamay, dahil tipon-tipon at kargado ng emosyon ang
hangin, lumalabas sa bulung-bulungan man o sa sigawan, ang mga sekreto pinakatatago hindi lamang ng patay, kundi maging ng mga taong nakapalibot sa kanya.

 

Ngunit sa kabilang banda nito, ipinakita ng pelikula ang ideyal na kalalabasan ng mga dramang nagaganap sa lamay, isang unang pamilya, inggit ng isang kapatid, (at kung ano-ano pa sa tunay na buhay). Ito ay ang pangingibabaw ng dugo, o ng relasyong magkamag-anak, at pagkakaayos ng lahat-lahat na tila mga pyesa ng isang nabubuong larawan.

 

Ang mga Pinoy kasi, dulot ng agrikultural at hindi pa industriyalisadong ekonomya at ng kulturang hindi pa lubusang nakakahulagpos sa makalumang pag-iisip, ay maraming pamahiin sa buhay, mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa pagdapit-hapon ng buhay. Tatak ito ng kulturang Pinoy na halo-halong kulturang sarili at kultura ng mga nanakop sa atin.

 

Ngunit kahit napakatagal na nitong namumugad sa ating isipan, maliwanag na ipinakita ng Ded na si Lolo ang kakapusan ng mga pamahiing ito sa harap ng nagbabagong panahon. Kinatawan ni Roderick Paulate dito, bilang baklang anak ng namatay, ang mapanuring isipan. Kung titingnan kasi, bilang bakla mismo, hindi na rin siya kabahagi ng namamayaning kultura dahil lumantad siya at kumawala sa pagkukulong sa kanya sa pananatiling lalaki. Dito, siya rin ang tanong nang tanong at naghahamon sa mga pamahiin na iyan. Sino bang nagsabi na bawal ang magsuot ng pula ang matatanda pero okey lang sa mga bata? Sino bang nagsabi na hindi pwedeng maglinis ng bahay habang may patay kahit nanlilimahid na ito sa dumi? Sino din ang nagsabi na hindi pwedeng maghatid ang mga taong namatayan?

Sino ba sila?

Magandang tanong hindi ba? Sino nga ba ang nagsasabi sa atin kung paano kumilos at mag-isip?

Ang Ded na si Lolo ay salamin ng buhay-Pinoy. Panoorin niyo ito at panoorin ang mga sarili natin.

Oktubre 26, 2009

ERAP: PARE o PERA

Isa ako sa mga kabataang estudyante na lumiban sa mga klase ko noong kasagsagan ng kampanya sa pagpapatalsik kay Erap noong 2001. Hinding-hindi ko makakalimutan ang karanasang iyon dahil isa iyon sa panahong buhay na buhay ang bawat himaymay ng katawan ko. Panahon din iyon ng pagsisinungaling sa magulang (dahil hindi daw maganda maging isang aktibista), pagkukumahog sa mga leksyon na hindi ko nakuha sa klase (dahil absent nga ako), pakikipag”diskusyon” sa mga “napapalayong” kaibigan (dahil iba na daw ako), pagbata sa mga tingin at ngiti ng awa mula sa kapwa ko estudyante (dahil hindi pa patok ang pagpapatalsik). Pero naging mabunga ang lahat ng pagsisikap at malawak na sambayanan ang kumilos para patalsikin si erap. Pumanig sa ordinaryong mamamayan ang mga nakakariwasa, taong-simbahan at maging ang militar. Pero ngayon, tulad ng isang laos na artista, naghahangad si Erap ng isang comeback, isang pagbabalik sa bagong pinilakang-tabing, sa pulitika.

PARE

Nakilala si Erap bilang bida sa pelikula. Ang sanggano na may mabuting puso. Ang Robinhood ng pelikulang Pilipino. Mukhang lubusang naisapuso ni Erap ang papel na ito hanggang sa kasalukuyang panahon. Sa sikolohiya, tinawag itong messianic complex. Ito ay ang malalim na paniniwalang tagapagtanggol ka ng inaapi at ikaw ang kasagutan sa lahat ng problema. Isa marahil si Erap sa mayroon nito. Marami siyang programa noon para sa masa, ERAP para sa MAHIRAP ang islogan niya. Nariyan ang pabahay niya sa Rizal (sa tabing ilog at gakahon ng posporong mga bahay), ang pagsupil sa rebelyon para umusad ang ekonomya (sa pamamagitan ng todong gera sa Mindanao), ang pagtangkilik sa libangan ng masa (sa jueteng na malaki ang kinikita niya) at kung ano-ano pa. Sinasabi niya noon na nariyan siya para pagkaisahin at pagbuklurin ang oposisyon sa paglaban nito kay GMA. Pero bakit ang paraan niya ay ang pambabraso sa ibang nagpahayag ng pagtakbo sa pagkapangulo para magbigay-daan sa kanyang pagkapangulo? Kaya, sa esensya, hindi siya isang tagapagtanggol kundi isang panggulo.

PERA

Hindi niya pinagkaisa ang oposisyon, bagkus lalo niya itong hinati. Napakadaling pumostura ngayon laban kay GMA dahil marami na ang galit sa kanya, pero naroon ba ang sinseridad ng mga salita ni Erap? Naisip ko, isa talaga sa matingkad na pagkakaiba nila ni GMA, bagamat parehong halang ang kaluluwa, ay ang takbo ng isip. Kung tutuusin, mas matindi ang mga pinagagagawa ni GMA ngayon kaysa noong mga panahon ni Erap, pero bakit nakaupo pa rin siya hanggang ngayon? Si Erap kasi puro pagpapamacho, puro kabruskuhan, samantalang si GMA, dinadagdagan ito ng katusuhan (at sandamakmak na panunuhol). Sa magkanong dahilan siya nagpasya nito? Noong una, maingay na maingay itong si Lacson sa pagdadawit kay Erap sa Dacer-Corbito case, pero ngayon, hindi na ito gaanong maugong. Anong nangyari? Matatandaan natin na binigyan ni GMA ng pardon si ERAP kahit nahatulan na ito ng Korte Suprema sa mga kaso na isinampa sa kanya ng mamamayan noong 2001. Baka naman palabas lang ang lahat ng ito para HINDI TALAGA makonsolida ang oposisyon, kung saan gumaganap ng mahalagang papel si ERAP bilang pagtanaw sa utang na loob sa nagpatawad sa kanya? Ngayon, sinasabi ni Erap na muli siyang tatakbo sa pagkapangulo dahil ayaw na ng mamamayan kay GMA. Bakit siya tatakbo samantalang una na siyang inayawan ng mamamayan noong 2001 pa sa kabila ng postura makamasa at pare ng madla?

Oktubre 24, 2009

I want this Digicam – HELP!

I so want to have a digicam, my heightening interest in photography finds my cameraphone limiting. please help me save a few pesos and just win this digicam. TO do this just view my photoblog and post a comment.

Oktubre 24, 2009

PAKIBASA AT PAKIPASA

Marami sa atin ang naapektuhan ng nagdaang mga bagyo, si Ondoy at si Pepeng. Iba’t iba ang antas ng inabot na pinsala ngunit lahat ay nangangailangan ng tulong. Ngunit pinakanakakaawa ang mga nawalan ng bahay at buhay. Maraming puso ang naantig sa mga litrato ng pinsalang inabot sa Luzon. Maraming kamay ang nagluwag at nag-abot ng tulong. Ngunit nakakalungkot na marami din ang nagpapakasasa sa panahong nakalugmok ang buong sambayanan.

Nabasa ko sa blog ni ella ang isa sa nakakainis na balita sa panahon ng kagipitan. Isa itong kwento ng pagmamaramot sa panahon ng kawalan. Nagvolunteer siya sa repacking center ng DSWD pero iba ang nakita ng kanyang mapanuring mga mata

Oktubre 24, 2009

Freedom of Spits

freedom of spits

Kuha ito sa Northern Luzon kung saan marami pa rin ang nagma-mama (o moma). Ito may ay saligang mga sangkap na bunga (bua/betel nut), apog at buyo. Nginangata ito at idinudura ang katas, pwede riong lunukin kung gusto mo.